Sa Ranzo, Bumubuhos ang Saya ng Kapistahan





   Bago pa man sumapit ang araw ng opisyal na pista sa Barangay Ranzo, ika-21 ng Enero, napagpasyahan na naming umuwi roon. Nag-uwian kami mula noong ika-16 ng Enero para sa ilang araw na pagdiriwang bago pa magsimula ang pista. Mula sa Barangay Wawa, sinakyan namin ang aming motorsiklo – ang byahe ay inabot ng higit sa 40 minuto. Sa sandaling makapasok kami sa Barangay Ranzo, ramdam na ramdam na ang diwa ng kapistahan. Ang mga bandiritas ay makukulay at umaalon parang sumasayaw. Naririnig din ang mga anunsyo ng mga opisyal ng barangay, kasabay ng musika at ingay ng mga sasakyan ng mga umuwing kapamilya mula sa ibang lugar. Pagkarating namin sa aming tahanan, ang masayang mukha ng mga kamag-anak ang sumalubong sa amin.


     Sa unang araw ng aming pag-uwi sa Ranzo, nakita namin ang saya at paghahanda ng mga tao. Kinagabihan, inihanda ang isang sayawan para sa mga kabataan. Nagtungo kami roon upang makita ang kasiyahang nagaganap. Ang mga kasuotan ng mga mananayaw ay nagbobonggahan, ang musika ay nakabibingi, at ang tawanan at muling pagkikita ng mga tao ay nakagugunita ng mga alaala at nakahuhumaling. Noong ikalawang araw, ika-17 ng Enero, naganap naman ang beauty contest. Ngunit dahil may ginagawa akong gawain para sa paaralan, hindi ako nakapanood. Batid kong maganda ang nangyari rito mula sa kwento ng aking mga kapatid – ang ikasampung kandidata ang nanalo. Sa ikatlong araw naman ay ang music contest. Nakakagulat sapagkat dinayo pa ang Ranzo ng mga mang-aawit mula sa malalayong lugar gaya ng Roxas. Ang basketball court ay napuno ng mga manonood mula sa iba’t ibang lugar sapagkat ang bawat lugar ay may sariling pambato. Napakatalentado ng lahat ng lumaban, at sa huli ay ang ikasampung kalahok ang nanalo.


     Noong ika-19 ng Enero naman ay ang Mardi Gras – napakasaya ng buong kalsada. Napalilibutan ito ng iba’t ibang ilaw at liwanag. Ang mga tao ay nagkakaisa at nagsasaya; ang kalsada ay puno ng mga tao at bisita. Ang musika ay nakagigiliw, at ang mga lamesa ay kabilaan ng pagkain. Napakasagana ng Rabzo sa pagkain at kasiyahan, lahat ay may lakas ng katawan upang magsaya hanggang gabi.


    Ang huling araw bago ang opisyal na kapistahan ay ang disperas, at muli namang inihanda ang isang sayawan. Ang mga dati kong kaklase ay muli kong nakita nang sila’y dumayo sa Ranzo. Nakilala ko sila agad sapagkat pamilyar pa rin ang kanilang mga halakhak. Bago pa man sumapit ang opisyal na araw ng kapistahan, umuwi na kami muli sa Barangay Wawa.


    Ang pagbisita namin sa Barangay Ranzo bago ang opisyal na kapistahan ay hindi lamang isang paglalakbay pauwi, kundi isang pag-alala sa aming mga ugat at kultura. Ang saya, pagkakaisa, at pagmamahalan na naramdaman namin doon ay patunay na ang mga pista ay hindi lamang para sa kasiyahan, kundi para rin palakasin ang ugnayan ng mga mamamayan. Mula sa mga pagtitipon, paligsahan, hanggang sa pagbabahagi ng pagkain, naramdaman namin na ang Ranzo ay isang malaking pamilya.Hinihiling ko sana ay patuloy na mamukod-tangi ang mga pagdiriwang sa aming barangay, at sana’y marami pang kabataan ang matuto ng halaga ng pagkakaisa at pagmamahal sa sariling lugar.

Comments